29/07/2025
Gayak For Alltid Flowers.
Maraming salamat po sa pamilya Oliva, Abgelina, at Laygo-Comia. 🤍
Hulyo 29 | Kapistahan ng Banal na Magkakapatid na Taga-Betania na sina Santa Marta, Santa Maria
At San Lazaro De Betania
Panalangin sa Magkakapatid ng Betania
O, Diyos Amang makapangyarihan, pinapaging-banal Mo ang pamumuhay nina Marta, Maria at Lazaro ng Betania, dahil sa palagiang pananahan doon ng Iyong Anak. Ibinigay Ninyo sila sa amin bilang halimbawang aming dapat tularan dahil sa malugod nilang pagtanggap sa pagpisan ng Panginoong Hesus sa kanilang payak na tahanan.
Katulad ni Santa Marta, kami po'y Iyong turuan na matutong maglingkod sa Iyo sa katauhan ng aming kapwa. Sa mga naliligalig, maging kapanatagan nawa kami; sa mga nangangailangan, kami nawa'y maging katugunan; at sa umaasa, maging lakas nawa kami; upang maunawaan namin na ang paglilingkod ay paglalakbay sa landas ng tunay na kabanalan tungo sa Iyong Kaharian at tunay ngang sa bawat araw ng aming buhay ay aming masampalatayanan na si Hesus ang Mesiyas na aming tagapagligtas.
Ipagkaloob Mo, tulad ni Santa Maria, aming matutunan ang nararapat naming gawin lalo't higit sa panahon ngayon na ang sanlibutan ay punô ng ligalig at hilahil. Patuloy Mo sanang ipabatid sa amin ang kahalagahan ng pakikinig at pagbabahagi ng Iyong salitang nagbibigay buhay, upang magpakailanman ay Ikaw lamang ang aming pupurihin at pararangalan.
Iniluluhog namin sa Iyo Panginoon, na tulad ni San Lazaro, kami nawa'y Iyong hanguin at ibangon sa pagkakahimlay sa dusa at pagkakalugmok sa kasalanan, upang kami'y mapabilang sa kaluwalhatian ng Iyong Kaharian.
Ang mga panalangin nawa ng mga banal na kaibigan ng Anak Mong mahal na sina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro ng Betania, ang magpagin-dapat sa aming tanggapin ang kinakailangan naming tulong at biyaya mula sa Iyo.
Isinasamo namin ang dalanging ito kay Hesukristong aming Panginoon, kasama Mo at ng Espiritu Santo, nabubuhay at naghahari, magpasawalang hangggan. Amen.
Ang Imahen ng Magkakapatid sa pangangalaga ng mga sumusunod:
Sta. Maria de Betania - Kim Oliva at pamilya
Sta. Marta de Betania - Elisa Abgelina at pamilya
San Lazaro de Betania -Pamilya Laygo at Comia