18/07/2026
OPEN LETTER para kay Ivana Alawi, at sa mga Pilipinong naka-subaybay sa “free iPhone”. This is the power of influence.
Ivana, alam ng lahat na kilala ka sa pagiging matulungin at mapagbigay. Marami kang napapasayang pamilya sa mga vlogs mo. Kaya nung nag-post ka na bibili ka ng 100 pirasong iPhone 17 para ipamigay, marami ang natuwa.
Sabi ng iba, "Ang bait talaga ni Ivana." Sabi naman ng mga sumali, "Magfo-follow lang naman sa page ng Casino Plus, wala namang masama, walang mapapahamak." Pero bago mo i-release ang mga premyong yan, Ivana, sana maupo ka muna sandali at tingnan mo ang mga numerong ito. Sana mag-reflect ka kung ano talaga ang naging kapalit ng "pagiging mapagbigay" mo.
Ang Nakakapangilabot na Math sa Likod ng Giveaway Mo.
Tingnan mo ang screenshot ng sponsor mo na nakita ko sa isang comment bago at pagkatapos ng post mo. Mula 708K followers, umabot sila agad sa 2.7 Million followers.
OVERNIGHT.
Wala pang isang iPhone ang nahahawakan ng mga fans mo, pero ang casino, kumita at nakabawi na agad (ROI). Paano? Gamit ang simpleng marketing psychology:
₱4.00 Kada Isang Kaluluwa: Kung ang 100 pirasong iPhone 17 at ang talent fee mo ay nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱8 Million, at nagdala ka ng 2 milyong bagong followers sa kanila lumalabas na ₱4.00 lang ang ginastos ng casino sa bawat tao para makuha ang atensyon nila.
Napakamura niyan para sa isang sugalan. APAT NA PISO!
Sa 2 milyong tao na pinapunta mo sa page na yan, kahit 1% lang ang maging aktibong sugarol dahil sa araw-araw na tukso sa feed nila, 20,000 na bagong manlalaro agad yan.
Ang isang nalulong na tao ay kayang magtapon ng libo-libo hanggang daan-daang libong piso. Mababawi ng casino ang pinambili ng iPhone sa loob lang ng ilang araw o linggo. Ang mga susunod na buwan at taon? Purong kita na nila.
Ivana, SAAN GALING ANG PERA?
Ito ang katotohanang masakit tanggapin. Ang perang ipinambili sa 100 iPhones na hawak mo ay hindi galing sa "pure generosity" ng sponsor mo. Galing yan sa mga talo ng mga naunang nagsugal. Galing yan sa mga pamilyang nawalan ng pambili ng bigas, sa mga magulang na naubos ang pang-tuition ng anak, at sa mga taong nabaon sa utang hanggang sa masira ang buhay dahil sa adiksyon sa online gambling.
Nung ginamit mo ang impluwensya mo para sabihing "Follow our CP Fam!", ipinahiram mo ang tiwala na binuo mo sa mga fans mo para gawing "normal" at "katanggap-tanggap" ang online gambling. Pinababa mo ang depensa ng mga ordinaryong Pilipino laban sa isang mapanirang bisyo. Gisado ang taong-bayan sa sarili nilang mantika: ang perang natalo ng publiko ang ipinambili ng iPhone, para gamiting pain para makahila pa ng mas maraming mabibiktima.
MY PAGE STANDS FOR AWAKENING THAT’S WHY I CARE.
Para sa ating mga kababayan maging aral sana ito kung paano gumagana ang Influencer Culture at Consumerism ngayon. Kapag may nakita kayong "libre," laging tandaan: Hindi ang iPhone ang produkto kundi tayo at ang atensyon natin ang produkto. Binibili ng mga dambuhalang korporasyon ang mga influencers natin para maging tulay sa ating mga bulsa. Maging matalino tayo sa kung sino ang pinipili nating i-follow at suportahan. Ang isang click mo sa "Follow" button ay mukhang walang epekto, pero kapag pinagsama-sama, nagiging makapangyarihang makinarya ito para payamanin ang mga industriyang sumisira sa lipunan.
Ivana, malaki ang kapangyarihan ng hawak mong mikropono at camera. Sana sa susunod, gamitin natin ito para sa mga bagay na tunay na mag-aangat sa Pilipino, hindi sa mga bagay na unti-unting magbabaon sa kanila sa utang at sugal.
Nagmamalasakit, kapwa mo Pilipino