03/03/2026
OFFICIAL STATEMENT
(Opisyal na Pahayag ni Mayora Muhyryn Sultan-Casi tungkol sa di makatarungang pagpaslang kay dating Pikit MPS Chief of Police Elias Dandan)
Lubos ang aming pagdadalamhati sa malagim at hindi makataong pananambang na kumitil sa buhay ni dating Chief of Police ng Pikit Municipal Police Station, Chief Elias Dandan, na naganap ngayong araw.
Mariin nating kinokondena ang karahasang ito. Naninindigan ang LGU Pikit sa panawagan para sa agarang at masusing imbestigasyon upang matukoy at mapanagot ang mga nasa likod ng krimeng ito.
Si Ret. PNP Chief Dandan ay nagsilbi sa ating bayan nang may buong dedikasyon at katapatan. Ang kanyang panunungkulan bilang Chief of Police ay minarkahan ng tiyaga, tapang, at hindi matitinag na paninindigan para sa kapayapaan, kaayusan, at sa kanyang sinumpaang serbisyo sa mamamayan ng Pikit. Ang kanyang ambag sa pagpapatibay ng seguridad sa ating komunidad ay hindi malilimutan.
Nakikiisa ang Pamahalaang Bayan ng Pikit sa taos-pusong pakikiramay sa kanyang pamilya, mga mahal sa buhay, at sa buong hanay ng kapulisan na kanyang nakasama sa serbisyo. Ang kanilang dalamhati ay dalamhati rin ng ating bayan.
Sa ating mga kababayan, hinihiling namin ang pananatiling kalmado at responsable-iwasan ang pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon at ipagkatiwala sa mga awtoridad ang proseso ng imbestigasyon.
Sa panahong ito ng dalamhati, tayo ay magbuklod bilang isang komunidad na may malasakit, may paninindigan, at may matibay na panawagan para sa katarungan.
Maraming salamat po.