15/10/2026
Sobrang emotional ko nung Sunday sa simbahan. Ang daming bumabalik na alaala. Siguro dahil mag isa ako. At ramdam ko umiiyak ang puso ko na hindi na rin napigilang pumatak ng luha ko sa mga mata. Hindi ko alam. At dumaan sa feed ko ang mensahe ng kumpareng Kiko ko na akma sa nararamdaman ko. Marahil ay tumatanda na talaga kami...
May akda : africa
"Tumatanda ng paurong."
Ilang beses ko na ding narinig ito. Dati, akala ko negative remark talaga yun. Pero habang tumatanda, nauuunawan ko na yung mas malalim na kahulugan nito.
Dahil habang tumatanda, lalong dumadami ang ating mga pinapasan, mga dagdag na pananakit ng katawan at iba't-ibang gumugulo sa isipan. Kaya siguro, sa mga sandaling napapagod ang ating puso at isipan, kusa tayong bumabalik sa mga alaala ng kabataan. Hindi dahil ayaw na nating mabuhay sa kasalukuyan, kundi dahil may mga bahagi ng nakaraan na kahit kailan ay hindi na natin muling mararanasan. Mga panahong hindi natin alam na masaya na pala tayo, dahil abala tayong mangarap na balang araw ay lumaki na.
Mga panahong masaya tayong naliligo sa ulan... kumpara sa ngayon na konting ulan, baha na naman. Yung mga panahong pilit tayong pinapatulog sa hapon... dahil ngayon, kulang na sa tulog, dahil nagtatrabaho ng minsan lampas pa sa maghapon.
Yung mga panahong kumpleto pa yung mga tropa, kaibigan o kabarkada... dahil ngayon, ang iba'y namayapa na o kaya naman ay nasa malalayong lugar na. Ang iba naman, malapit nga, pero may mga kanya-kanyang ng mga responsibilidad sa mga pamilya.
Yung mga panahon na buo pa ang pamilya. Mga magulang na malalakas pa, mga kapatid na kalaro mo pa... kumpara ngayon na minsan ay may kulang na at madalang na ding magkita-kita.
Tumatanda tayong paurong dahil gusto nating balikan ang mga simpleng pamumuhay noon, kumpara sa napaka- kumplikadong panahon ngayon. Habang tumatanda tayo, ang hinahanap-hanap natin ay ang mga bagay na dati nating gustong lampasan.
At kung may isang bagay man akong natutuhan sa pagtanda, ito iyon:
Huwag mong hintaying maging alaala ang isang bagay bago mo ito pahalagahan. Huwag mong hintaying mamiss mo ang isang tao bago mo siya kumustahin. At huwag mong hintaying lumipas ang panahon bago mo sabihing naging masaya ka pala.
Dahil ang buhay ay hindi lamang nasusukat sa dami ng taon na ating nadaragdag, kundi sa dami ng sandaling tunay tayong nabuhay, nagmahal, at nakasama ang mga taong mahalaga sa atin.
At baka iyon nga din siguro ang ibig sabihin ng “tumatanda nang paurong"... habang papalapit tayo sa hinaharap, mas lalo nating gustong balikan ang nakaraan. Hindi upang baguhin ang mga nangyari, kundi upang muling maramdaman, kahit sa isang saglit, ang init ng mga panahong hindi na maibabalik.
Kaya kayong mga kabataan ngayon, huwag ninyong gustuhing tumanda na agad. Sulitin ninyo ang panahon ng inyong kabataan... para sa inyong pagtanda, maganda din ang inyong mga alaalang babalikan.
(Thank you pre, sa mensahe.. matanda na talaga tayo)