11/05/2025
BILYONES BAGO ANG BALOTA: Sino Ba Talaga ang Inuuna?
Habang tayong mga ordinaryong Pilipino ay nagtitiis sa taas ng bilihin, kakapiranggot na sahod, at mga serbisyo publiko na laging kulang, may mga pulitiko na hindi naman natin gaanong naririnig sa Senado pero daig pa ang mga artista sa dami ng TV ads, billboards, at radio jingles.
Tanong: Bakit kailangan gumastos ng mahigit isang bilyong piso para lang makumbinsi ang taumbayan?
Sabi nga ni Vico Sotto, ang kandidatong malaki ang ginagastos, mas malaki ang gustong bawiin. Totoo naman. Sa isang sistemang puno ng utang na loob, political favors, at backdoor deals, sino ba ang talo? Tayong mga botante.
Miriam Defensor Santiago na mismo ang nagbabala: Kung araw-araw ay milyon ang ginagastos sa TV ads, saan manggagaling ang panukalang tulong sa mahihirap? Baka naman yung ‘puso para sa masa’ ay script lang sa commercial?
“Eh sponsored naman 'yan!” “Donation lang 'yan!”
Ito ang palaging palusot. Pero kahit anong itawag mo dyan — sponsored, donated, o in-kind — pera pa rin 'yan. At hindi ka magdo-donate ng milyon-milyong piso kung wala kang inaasahang balik. Walang libre sa mundong pulitikal. Kung hindi man galing sa bulsa ng kandidato, galing naman sa mga negosyanteng may sariling interes. Iyan ang tinatawag na quid pro quo — kapag nanalo na, sisingilin ka ng "pabor."
At kahit sabihin nilang hindi pa sila official candidates, kaya puwedeng magpalabas ng ads, tandaan ito: Section 80 ng Omnibus Election Code ay nagsasabing bawal ang premature campaigning. Ang mga teknikalidad lang ang nilulusot nila. Dahil ayon sa isang desisyon ng Korte Suprema (Penera vs COMELEC), sinabing hindi maituturing na “candidate” ang isang tao kung hindi pa nagsisimula ang campaign period — kaya lusot kahit binabaha na ng mukha nila ang social media, TV, at billboards.
Pero tanong ng masa: Kung hindi pa kandidato pero ganyan na gumastos, ano pa pag nanalo?
Legal man sa papel, malinaw sa mata ng tao kung ano ang tunay. Ito ay abuso sa butas ng batas. Ang intensyon ay kampanya. Ang dating ay pangingibabaw ng pera.
At tandaan: Ang datos ng Philippine Center for Investigative Journalism ay mula pa lang Enero 2024 hanggang Marso 2025. Hindi pa kasama dito ang social media ads, ground campaign, pamimigay ng t-shirt, tarpaulin, bayad sa tao, at kung anu-ano pang gimik sa barangay. Kung ngayon pa lang ay nasa bilyon na ang ginastos, paano pa kaya sa mga susunod na linggo?
Para na lang ba talaga sa mayayaman ang eleksyon? Kapag ba wala kang bilyon, wala ka na ring boses?
Habang ikaw ay nagkakandaugaga sa pagbayad ng kuryente, nag-aabang ng ayuda, o nagtitiis sa traffic at baha, isipin mong may kandidato na gumastos ng 3.5 bilyong piso sa ads. Sa halagang yan, ilang eskwelahan na ang naitayo? Ilang ospital ang napagawa? Ilang libreng gamot ang naipamigay?
Hindi masama ang magkampanya. Pero kung ang kampanya ay parang TV show na, at ang gastos ay mas malaki pa sa pondo ng isang probinsya, dapat lang na magtanong tayo: Saan ba talaga sila nakatuon — sa atin o sa sariling ambisyon?
Hindi natin kailangan ng kandidatong may makintab na billboard. Kailangan natin ng lider na may malinaw na prinsipyo. Hindi natin kailangan ng mga trapo na bumubulwak ang pondo sa ads pero tikom ang bibig sa mga isyu ng bayan. Kailangan natin ng taong hindi kailangang sumigaw para marinig, dahil matagal na siyang nagtatrabaho kahit walang kamera.
Piliin mo yung hindi kayang tapatan ng pera ang dignidad. Piliin mo yung kahit walang bilyon-bilyong ads, ramdam mo ang serbisyo. Dahil sa boto mo, buhay mo rin ang nakataya.
Boto o negosyo? Publiko o pansarili? Ito ang tanong na dapat mong sagutin bago pumunta sa presinto.
Data source: https://pcij.org/2025/05/09/8-senate-bets-air-tv-radio-ads-worth-at-least-p1b/