
21/09/2025
BAHAIN SANA NG LUHA ANG MGA NANAMANTALA SA KABAN NG BAYAN!
[Opisyal na pahayag ng The Forefront – Gordon College bilang pakikiisa sa laban kontra korapsyon]
Nang umusbong nang dahan-dahan ang malagim na katotohanan at pinaapaw ang samu’t saring imbestigasyon ukol sa mistulang nilagok na pondo ng flood control projects sa iba’t-ibang lalawigan na kung hindi lumutang ang status bilang multo, lubog naman din ang silbi dahil dinaya ang kalidad—nalunod na lamang din sa panlulumo ang mga karaniwang Pilipinong araw-araw bilad sa init ng araw at banat ang buto upang kumayod nang patas, matustusan lamang ang isang kahig, isang tukang pamumuhay.
Lantarang naipakita sa balisang mata ng masa na ang mga buwis na pinaghirapang ipunin ng bayan ay napunta sa luho ng mga gahaman sa kapangyarihan—at kailanma’y hindi buong naisalin sa benepisyo’t pangangailangan ng pampublikong imprastraktura, edukasyon, kalusugan, lokal na industriya, mas mataas na pasahod para sa mga manggagawa, at marami pang aspeto ng isyung panlipunan na nagsusumigaw matutukan na kung masolusyunan ay magpapaginhawa sana sa mabigat na pamumuhay ng bawat Pilipino.
Nagamit sana ang mga pondo sa siyensya, teknolohiya, inhinyeriya, at pananalisik para maibsan ang epekto ng mabilis at malalim na pagbaha; sa pagpapagawa ng tulay at maayos na daanan para sa kanilang nakatira sa malalayong bayan; sa pagbuo ng silid-aralan at iba pang pasilidad pang-edukasyon; sa pagsuporta sa pampublikong kalusugan at pagtugon sa wastong nutrisyon ng kabataang Pilipino; sa pagkakaroon ng oportunidad at suporta para sa mga alagad ng sining at mga atleta; sa pagresolba ng krisis sa karunungang pang-akademiko, at mas libreng akses sa edukasyon para sa mga susunod pang tutungtong sa kolehiyo—ngunit ang naipon lamang ay ang limpak-limpak na pagluluksa para sa kapwang handang hayaan ng mga buwayang malunod sa kalamidad.
Kung aalahanin, maraming buhay din ang nasawi at patuloy na nasasawi sa tuwing humahagupit ang mga bagyong tumatama sa ating bansa. Hindi lang basta kung anong buhay ang nawawala: mga magulang na hawak ang kinabukasan ng kanilang mga anak, mga ordinaryong manggagawang halos walang pamimilian kundi pumasok sa gitna ng matinding pagbuhos ng ulan kundi ay kakarampot ang kikitain, mga manggagawang nasa linya ng serbisyo mismo ang lumusong sa baha at magligtas ng buhay, ating mga kapatid, kaibigan, at mahal sa buhay. Ngunit sa pangakong napako na mababawasan daw ang pagtaas ng tubig-baha sa kaniya-kaniyang pamayananan, tila hinayaan na lang ng ating mga pinuno ang mga bangkay na malunod at manlamig sa pandurugas.
Hindi lang dapat inaalala ang kasaysayan na nahulma ng EDSA People Power Revolution. Isinasabuhay dapat ang mga prinsipyo’t paninindigan ng mga nag-aklas at mga hindi nagpasiil upang makamit ang kalayaaan hanggang sa hinaharap.
Sa pagkakataong ito, ang pagpili sa katahimikan ay pagpili sa ating pagkatalo. Ang pananahimik ay pag-apruba sa panloloko.
Panahon na upang maningil at mangalampag para sa pananagutan ng mga napatunayang sangkot sa mga anomalya. Pagsalitain ang mga kailangang magpaliwanag sa publiko. Isuko ang mga nakaw na yamang dapat isuko. Pag-aralang muli ang mga buwis at pagbayarin sa umaapaw na tubo’t kautangan ang mga tampalasang mangungupit na matagal nang nagpapakasasa. Sapagkat dalawa lamang ang patutunguhan ng mga ito: sa kulungan na walang kalayaan o sa labas kung saan malaya nilang haharapin ang suntok ng galit ng taumbayan.
Walang diwa’t kaluluwang may dugong Pilipino ang dapat tumigil sa pag-iingay. Magsalita, tumindig, at dakmaing muli ang pag-aasam sa magandang buhay na ipinagkait; mga ambisyong itinago na lang at naupos dahil tinitipid ang bansa at sinasakal ang kapwa ng mga sakim. Wala nang espasyo sa ating mga puso ang dapat maging mabuti sa mga masama. Wala na sa pagpipilian ang magsarado ng bibig sa mga isyung-politikal lalo na’t tayo rin ang naiipit sa kalingkingan.
Ang The Forefront, opisyal na student publication ng Gordon College, ay naniniwala sa adhikain na mapanagot ang mga korap na hindi man lang kumurap at nagdalawang-isip na pagsamantalahan ang ating yamang nakalaan hindi para sa pantasyang mag-senyor senyoritahan ang iilang mag-anak, kundi para sa malawakang kapakanan ng daan-daang milyon at ‘sing-dami nitong suliranin sa bayan. Kami ay naniniwala sa islogan ng ating lungsod na ‘Transparency and Good Governance,’ kaya marapat lang na hikayatin ang kapwa naming mag-aaral na tumindig din dahil kinabukasan nating mga kabataan at ng mga Pilipino ang nakasalalay.
Ang ating kolektibong tinig ay hindi sapat para mabago ang lahat, ngunit ito ang unang pinakamahalagang hakbang. Otsente porsyento ng progreso ang pagkamulat, pagkakaisa, at bolunterismo; ang matitira ay nasa kamay na ng mga nakaupong may natitira pang konsensya upang mapabagsak ang mga rehimen at mga kapitalistang tumatalikod sa masang nagtiwala—hinihintay ang progresibong pagbabago na pasan ng nangangarap na balikat ang lahat-lahat ng hinanakit makarating lamang sa mas maaliwalas na paroroonan.
Bahain sana ng luha ang mga nanamantala sa kaban ng bayan!